Sa likod ng tabing, ay mga taong may kanya-kanyang istorya ng buhay. Sa likod ng mga ngiti, maskara at kolorete sa mukha at katawan para sa iba't-ibang karakter, ay mga taong may hinagpis o pinag-daraanang pasakit sa buhay. Pasakit na siyang nagpalakas at nagpatindig sa kanila bilang Tao. Sa likod ng iba't-ibang makukulay na kasuotan, ay mga taong nagnanais makilala, marinig at maipabatid ang mensahe ng kanilang ikinikilos sa mga taong may kakayahang magpabago ng lipunan. Sa likod ng mga palakpakan, ay ang pagnanais na mapagtagumpayan ang piniling karera sa buhay.
Pera man ang sa nakararami'y makapag-pupuno ng kanilang pangangailangan, iba pa rin ang galak sa puso sa tuwing makakagawa ka ng isang bagay na kaytagal mo nang gustong gawin. Iba pa rin ang pakiramdam na magsilbing simpleng inspirasyon sa kahit iilan o isa man lang indibidwal. Iba pa rin ang pakiramdam na makapag-pabago ng isang buhay. Iba pa rin ang mapabilang sa mga taong iisa ang layunin. Iba pa rin ang magsilbing "instrumento" para maihatid ang mensahe ng Maykapal.
Nakakataba ng puso ang bawat papuring namumutawi sa labi ng ilan. Gayun din ang luwag ng pagtanggap sa bawat puna o pintas ng nakararami. Nakakawala ng pagod ang bawat halakhak na napag-sasaluhan. At nakaka-bawas ng lungkot ang bawat biruan.
Sa kabila ng lahat ng ito, ay wala ni isa mang kapalit na hangad, kundi ang respeto at pagtitiwala --- na maipag-patuloy ang aming paglalakbay kasama kayo patungo sa isang masaya at mapayapang mundo. :)
No comments:
Post a Comment